Sa likod ng mga produktong pampaganda o make-up na kinagigiliwan ng marami, isang malungkot na katotohanan ang bumabalot sa paraan ng pagkuha sa isa sa pinakamahalaga ngunit pinaka-kontrobersyal din nitong nitong sangkap, ang mica.
Lahat halos ng pinakasikat at pinaka-high end na mga brand ng pampaganda ay gumagamit ng sangkap na mica para sa paggawa ng kanilang produktong makeup.
Ano nga ba ang mica?
Ang mica ay isang mineral na kailangang minahin sa lupa upang makuha. Karaniwang pinagkukunan ng suplay nito ang bansang India kung saan nanggagaling ang pinakamalaking suplay ng mica sa buong mundo.
Ngunit, lingid sa kaalaman ng lahat ay ilegal ang gawain ng pagmimina ng mineral na mica sa bansang ito dahil, mga bata ang siyang nagmimina nito.
Sa isang dokumentaryo na inilabas ng Youtube channel na Refinery29, palihim na pinasok ni Lexy Lebsack ang isang lugar sa Jharkhand, India kung saan, talamak ang child labor sa ilegal na pagmimina ng mica.
Dahil sa kahirapan ng buhay, ang mga bata mula edad apat na taon ay sumasabak na sa pagmimina. Bagama’t delikado, nakasanayan na ang ilegal na gawaing ito sa Jharkhand na nagsimula pa umano noong 1980’s.
Bawat buwan, sampu hanggang dalawampung bata ang namamatay sa lugar dahil sa peligrong hatid nito katulad ng pagguho ng lupa.
“I pick mica one by one. It takes me a long time. I come everyday…
“If we don’t pick mica, how will we put food on the table,” saad pa ng isa sa mga batang minero ng mica sa lugar.
Ito lamang ang pinagkakakitaan ng halos lahat ng taga-roon kaya hindi matigil-tigil ang mga kompanya na ilegal na nagmimina ng mica at ginagamit ang mga bata. Kapag hindi nagmimina ang mga taga-Jharkhand kabilang na ang mga bata, magugutom lamang sila.
“We have no other options, so we keep working there,” paglalahad pa ng isang magulang na nawalan ng anak dahil sa pagmimina ng mica.
Ang mga namiminang mica ay ilegal na nakakalusot palabas ng bansa papunta sa iba pang mga bansa at kompanya na pagsusuplayan nito. Halos lahat ng klase produktong makeup ay mayroong mica kaya habang tumataas ang demand ng makeup, tumataas din ang demand ng mica.
“When we go into the mine, it’s very dark in there. We are terrified of all the rocks falling on us. I saw a lot of children get hurt and I saw a kid’s head split open,” saad ng isa pang batang nagmina rin ng mica.
Bagama’t kitang-kita kung gaano katalamak ang ilegal na gawaing ito, nakakalungkot na hinahayaan at walang gaanong aksyon na ginagawa ang bansa para rito.
Nakakadismaya para sa panig ni Lexy Lebsack na malaman ang animo’y pagsasawalang bahala lamang ng departamentong saklaw ang child labor ang gawaing ito.
Kung mayroong ibang mapagpipilian, pag-aaral sana ang pipiliin ng mga batang ito na araw-araw nasa bingit ng peligro ang buhay.
Dahil sa mapait na katotohanang ito ng nangyayaring child labor sa pagkuha ng mica, sinimulan na ang diskusyon sa pagitan ng iba’t-ibang mga kompanya ng makeup ukol sa patuloy na paggamit ng natural na mica.
Ang alternatibong solusyong naiisip ng ibang kompanya ay ang pagtigil sa paggamit ng natural na mica at gumamit na lamang ng sintetikong mica.
“As much as I love sparkles, i didn’t want anything put into… products that’s, you know, could have had a death attached to it,” saad pa ng co-founder ng isang sikat na makeup brand.
Ngunit, ang ikinababahala ngayon kung ititigil ang pagbili ng natural na mica ay ang napipintong pagkawala ng kabuhuyan ng mga pamilyang umaasa sa pagmimina nito.
Ang solusyon umano para rito ay ang pagsupil sa ilegal na transakyon ng mica kung saan kaakibat ang child labor.
“It’s much more complicated than that. The natural mica, it’s a commodity which is in almost every product you use. You should not try to avoid mica. You should make sure that the families where you buy the mica from, as a company, get these wages… get living wages,” ani pa ng isang Child Rights Expert.
Sana nga ay ma-aksyunan na ang matagal nang nakakabahalang problema na ito. Nakakalungkot lamang isipan na sa likod ng bawat make-up na nagagawa ay mayroong buhay ng bata na nawala. Kaya anu’t-anuman, sa pinakamadaling panahon ay dapat nang matigil ang child labor sa likod ng indusriyang ito.
Panoorin ang buong video dito!