Minsan, dahil sa sobrang pagmamahal ay nakakagawa tayo ng mga bagay na hindi inaakalang maaari pala nating pagsisihan sa huli.
Kagaya na lamang ng isang lalaking ito na dahil sa sobrang pagmamahal sa isang babae ay walang pagdadalawang-isip na ipina-tattoo niya lang naman sa kanyang braso ang pangalan ng naturang babae noong naging magkasintahan ang mga ito.
Ngunit, kagaya ng maraming mga relasyon ay nauwi din sa hiwalayan ang dalawa. Gayunpaman, hindi dala ng kanilang paghihiwalay ang ipinalagay niyang tattoo na pangalan ng kanya na ngayong ex-girlfriend.
Kahit hiwalay na ang mga ito, nananatili pa rin ang pangalang ‘Naomi’ na nakalagay sa kanyang balat sa braso. Natural lamang din para rito na gustuhing burahin ang naturang pangalan na naka-tattoo sa kanya ngunit, ang tanong naman ay kung paano ito gagawin.
Bagama’t mayroon nang teknolohiya kung saan pwedeng-pwede nang ipatanggal o burahin ang isang tattoo, masyado naman itong mahal para sa naturang lalaki.
Kung tatakpan naman ito ng isa pang tattoo gaya ng mga bagay o mukha, magiging madumi na raw itong tingnan at ayaw rin ito ng lalaki. Kaya naman, ang tanging nanatili niyang pagpipilian ay dugtungan o ibahin ang tattoo nang hindi ito kailangang takpan.
At ang naisip niya para rito? Ang pangalang ‘Naomi’ ay kanya lang naman ginawang ‘Indomie’ na pangalan ng isang popular na noodle brand sa Indonesia. Dito, hindi mahahalata na dating ‘Naomi’ pala ang nakatattoo sa kanya dahil sa perpektong pagkakadagdag ng ilang mga letra.
Bagama’t marami ang natawa sa ginawang ito ng naturang lalaki, ang mahalaga ay hindi na pangalan ng kanyang dating karelasyon ang nakatatak sa kanyang balat. Hind rin agad mahuhulaan ng marami na ibang pangalan ang dating nakalagay ditong tattoo dahil sa kakaibang pangalan na napili niya bilang pamalit dito.
Kaya naman, bentang-benta sa mga netizen ang ginawang ito ng naturang lalaki. Mabuti na lamang talaga umano at masyado itong malikhain kaya nagawan pa nito ng paraan ang kanyang ginawang pagpapatattoo ng pangalan ng dating girlfrend.
Ngunit, isa na ring umanong aral para sa lalaki ang ginawa nito na huwag na muling ipa-tattoo ang pangalan ng karelasyon hangga’t hindi pa ito sigurado dahil baka kalaunan, ito lang din ulit ang magsisi.
Paalala rin umano ito para sa iba pang mga nagbabalak din na patunayan ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapatattoo ng mukha o pangalan ng kanilang karelasyon. Hindi na rin kasi ito bago at ilang mga lalaki na ang gumawa nito para sa kanilang mga naging girlfriend.
Bago ito gawin, pag-isipan muna itong mabuti upang hindi magsisi sa huli. Maliban daw sa pagpapatattoo ay mayroon pa namang ibang mga bagay kung saan pwedeng mapatunayan ang iyong pag-ibig.
Kaugnay nito, matatandaan na ang sikat na Hollywood actor na si Johnny Depp ay nagkaroon din ng kaparehong sitwasyon. Minsan ay nagpalagay ito ng tattoo na ‘Winona Forever’ bilang simbolo din ng kanyang pagmamahal sa dati nitong karelasyon na si Winona Ryder. Ngunit, naghiwalay din ang dalawa at kalaunan ay naging ‘Wino Forever’ na lamang ang naturang tattoo ng aktor.
Source: rachfeed