Agaw atensyon sa sikat na US landmark ang pagtawid doon sa unang pagkakataon ng isang gawang Pinoy na tricycle. Makasaysayan ang ginawang pagtawid na ito ng naturang tricycle sa tanyag na Golden Gate Bridge sa San Francisco, California.
Ayon sa ulat, galing pa mismo sa Pilipinas ang sidecar na ginamit sa paggawa ng naturang tricycle. Gawa ito ng mga Filipino-American na sina Michael Arcega at Paolo Asuncion. Binansagan naman ng mga ito ang kanilang gawa bilang ang ‘TNT tricycle’.
Ikinatuwa naman ng maraming mga Pilipino ang gawang ito na rumerepresenta sa Pilipinas, sa gawang Pinoy, at sa kultura ng bansa. Agad itong naging viral sa social media at umani ng mga positibong komento.
Labis din na ikinatuwa nina Asuncion at Arcega ang magagandang mga komentong ito tungkol sa tricycle at sa makasaysayan nitong pagtawid sa sikat na tulay. Inilarawan nila ang kanilang gawa bilang isang “mobile public artwork that operates as cultural marker for the SOMA Pilipinas Cultural Heritage District in San Francisco.”
“We crossed the Golden Gate Bridge with @tnt_traysikel and over 60+ Pinoy riders from the @norcalpinoyriders group… It was amazing to see so many Pinoys get excited. News traveled to the Philippines and folks are sharing,” saad pa nga tungkol dito ni Arcega.
Ang TNT, o ‘Tago ng Tago’, ay ang bansag sa mga Pilipinong tago ng tago habang nasa ibang bansa matapos na ma-expire ang kanilang visa. Sa harapan ng naturang tricycle ay nakatatak ang tatlong letra na ito na pamilyar para sa mga Pilipino.
Mababasa rin ang katagang “Hoy!” na nakatatak din sa may harapan ng tricycle. Sa loob naman nito ay mayroong nakasulat na “Basta Driver, Sweet Lover” at “God Knows Hudas Not Pay”. Pinoy na Pinoy ang pagkakagawa sa naturang tricycle kung saan, isa sa mga naging inspirasyon nila para sa makulay nitong disenyo ay ang Pinoy na jeep.
Ipinagmamalaki din ng mga ito na ang naturang mga disenyo sa TNT tricycle ay gawang kamay o mano-manong ipininta ng kanilang kaibigan na si Meng Ngyuen. Mayroon pa itong detalyeng kurtina na kadalasang nakikita sa mga lokal na tricycle sa Pilipinas.
“The aesthetic of the traysikel is adjacent to Filipino-customized transport jeepneys left by Americans after WWII. TNT Traysikel is an immigrant metaphor constructed from a deep colonial history. As a social sculpture, TNT Traysikel was used as an aesthetic object, a protest tool and symbol of solidarity with the Black community against police brutality, and delivery vehicle during the COVID-19 pandemic…
“It will be the main site for collecting stories of Filipinx diaspora in a forthcoming documentary,” paglalarawan pa ni Arcega sa kanilang gawang tricycle.
Kasamang tumawid ng makasaysayang tricycle na ito ang mahigit 60 iba pang mga Pilipino na bahagi ng grupong NCPR o NorCal Pinoy Riders. Maliban kina Arcega at Asuncion, naging bahagi din umano sa paggawa ng TNT tricycle ang mga grupong All Things Meng, Sena, Handsome Asians Motorcycle Club, Cardo, Icon at iba pa.
Pinondohan naman ang proyekto nilang ito ng San Francisco Arts Commission/Individual Artist Commission, Awesome Foundation, San Francisco State University, at Balay Kreativ.