Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang nangyayari ngayong kaguluhan sa bansang Myanmar na mas ipinaalam pa ni Miss Universe - Myanmar Thuzar Wint Lwin sa mundo nang irepresenta nito ang bansa sa kakatapos lamang na Miss Universe 2020.
Sa pagsali nito sa kompetisyon, higit pa sa pagsungkit ng korona ang naging layunin nito dahil ginamit niya rin ang naturang pagkakataon para manawagan sa mundo na ipagdasal ang kanyang mga kababayan mula sa nangyayari ngayong kaguluhan sa kanyang bansa.
Ito ang naging tema ng beauty queen sa kanyang national costume. Hawak hawak nito sa pagrampa ang mga katagang “Pray for Myanmar”. Bagama’t maraming mga kandidata ang mayroong mas enggrandeng kasuotan sa kanya, itinanghal na “Best in National Costume” si Thuzar dahil sa mensahe na nais niyang iparating sa mundo.
Isa si Thuzar sa mga hayagang nagprotesta tungkol sa nangyayari ngayong pamumuno ng militar sa kanyang bansa na nagsimula pa noong February 2021. Kasama nito ang mga kababayan na nakikipaglaban para sa demokrasya. Ginamit nito ang kanyang boses lalo na sa social media upang magprotesta laban sa nangyayari sa kanyang bansa.
Ito ang dahilan kaya hindi halos makalabas ng bansa nito ang beauty queen para lumaban sa Miss Universe. Tumakas lamang ito sa mga opisyal ng Myanmar para lumipad papuntang Florida, USA. .
Hindi gaya ng ibang kandidata, patago ang naging pag-alis sa bansa ni Thuzar suot ang isang hoodie at sunglasses upang hindi ito mapansin ng Myanmar border security. Dahil dito kaya mayroong nakaabang na arrest warrant kay Thuzar sa pagbabalik niya sa bansa.
Kaya naman, delikado ngayon para sa beauty queen ang bumalik sa Myanmar kahit tapos na ang kompetisyon sa Miss Universe. Hindi ligtas para rito ang agad na bumalik doon. Hindi pa umano nito alam kung saan pupunta ngunit, nananatili pa ring positibo ang beauty queen lalo na para sa kanyang bansa.
Gaya nito ay patago rin ang ginawang pagpapadala ng kanyang mga gagamiting gown at national costume sa kompetisyon. Ipinadala ito sa pamamagitan ng isang international courier company ngunit, hindi ito nakarating sa Florida, USA.
Dahil dito kaya kinailangang humingi ng tulong ni Thuzar sa mga kapwa kandidata para mayroong maisuot o magamit para sa kompetisyon. Hindi naman nagdalawang isip ang mga ito at agad naghayag ng kagustuhan na tulungan si Miss Myanmar.
Bilang pagsuporta na rin sa layunin ni Thuzar para sa kanyang bansa, tinulungan ito ng Chin Community sa Florida, USA para sa kanyang national costume.
Hindi naman nabigo si Thuzar sa kanyang layunin matapos siyang tanghalin bilang kasali sa top 21, maliban pa sa pagsungkit nito sa Best in Costume na award. Ayon sa beauty queen, higit pa sa isang costume lamang ang kanyang isinuot dahil taglay nito ang isang mensahe.
Sa Instagram, isang ring mensahe ang ibinahagi ni Thuzar para sa kanyang mga kababayan. Ani nito,
“Myanmar, We did it. And it wouldn't be possible if it's not for your love and support. I'm blessed and thrilled that we made it together all the way today. I wish I could have made you prouder. But I did my best and hope you all love what we got.
“And Thank You So So Much to those who voted for Best National Costume. It's more than a costume. It's a message, spirit and solidairty. Be Safe and God Bless You All!”
Source: PEP