Hindi sekreto sa publiko ang naging buhay pag-ibig ng Comedy Queen na si Aiai Delas Alas. Mula sa kanyang mga pagpapakasal hanggang sa makatagpo na ito ng tunay na pag-ibig sa kanyang asawa na si Gerald Sibayan, ibinahagi ito ni Aiai sa kanyang mga tagasuporta.

Gayunpaman, hindi lamang mga masasayang pangyayari sa kanyang buhay pag-ibig ang kanyang ibinahagi sa publiko. Minsan ay mayroon din itong ibinunyag na mga masasakit at hindi magagandang bagay na nagawa niya noon.

Kagaya na lamang ng isang pagkakamali na nagawa niya noon. Ayon kay Aiai, inaamin nito na minsan umano siyang naging isang kabit at napakahirap umano ng naturang sitwasyon.

Ang tinutukoy rito ni Aiai ay ang kanyang naging unang asawa na si Miguel Vera, isa ring dating artista. Bagama’t ikinasal ang dalawa noong 1989, mayroon nang naunang asawa si Miguel. Ngunit, dahil umano mayroon silang anak, itinuloy pa rin ni Aiai ang kanyang relasyon dito kahit mali.

“Nung mga panahon na alam ko dati, may asawa na yung naging karelasyon ko, ipinilit ko pa rin, which is dapat hininto ko na. Kaya lang minsan matigas ang ulo natin. 'Ah, kasi may anak ako.' May pinaglalaban ka, e. 

“Pero, actually, kahit gano'n, mali ka pa rin kasi may asawa yung taong pinatulan mo. Kaya kahit may anak ka, gano'n talaga. Yun ang pinili mong desisyon, e,” pagbabahagi pa ni Aiai.

Sa isa sa mga naging panayam dito, nagbalik tanaw ang komedyante sa kung gaano kahirap ang pinagdaanan niya noong pinili niyang maging isang kabit. Paglalarawan pa nga ni Aiai sa naging sitwasyon nito noon,

“Mahirap! Crayola ka nang crayola (iyak nang iyak), mahirap! Siyempre kung ano lang ang time para sa 'yo… 

“Parang ang bigat-bigat ng buhay mo tapos parati kang malungkot.”

Ayon kay Aiai, alam niya naman umano na mali pero ipinagpatuloy niya pa rin ito kaya hindi rin naging madali ang kanyang pinagdaanan. Ngunit, sa huli ay hindi pa rin nito nabago ang katotohanan na mali ang kanyang naging hakbang, kaya matapos ang ilang taon ay hininto na ni Aiai ang relasyon sa una nitong naging asawa.

“Kasi siyempre doon siya kay Cristine (Miguel's legal wife), alangan naman.... Hindi lang naman ako ang nakaranas na maging Cavite City (kabit), hindi ko pa rin naman masyado alam... Alam ko na, pero at the end, ginow ko pa rin, so mali pa rin ako,” ani pa nga ulit ni Ai.

“Kasi wala ka rin naman peace, tapos hindi rin naman siya sa 'yo umuuwi, doon pa rin siya umuuwi and hindi ko rin naman kaya 'yung ganun. So huwag na lang talaga and ang mga bata rin kasi hindi ko rin naman sila naasikaso noong malilit pa sila,” dagdag ani pa nito.

Kaya naman, payo ni Aiai sa marami ay huwag nang subukan pa ng mga ito na maging isang kabit. Bukod sa masama umano ito, wala rin daw itong kapayapaan na madadala sa pamumuhay ninyo lalo na sa inyong pamilya.

“In general, siguro doon sa mga ano try niyo na lang na wag maging ganon… 

“Try niyo na lang na wag. Kung hangga't maari kung pwedeng iwasan, iwasan na lang. Kasi sabi nga nila bawat pagpatak ng luha nung legal na asawa, 'yon 'yong pagbabayaran mo. So ako tingin ko marami akong pinagbayaran,” ang payo pa ni Aiai sa marami.

Source: therelatable