Sa kabila ng hidwaan sa kanilang pamilya, mas pinili pa rin ng aktres na si Claudine Barretto na depensahan ang kanyang pamangkin na si Julia Barretto. Ito ay matapos mayroong magsabi na pabagsak umano ang karera ng nakababatang Barretto.
Kamakailan lang, sa virtual launch ng kanyang bagong pelikula, ayon kay Claudine ay hindi ito naniniwala na pabagsak na ang karera ng kanyang pamangkin. Saad pa nga nito,
“Alam naman ng lahat na masama ang loob ko kay Julia… everybody knows that. But I don’t wanna think na bumabagsak ang career n’ya. Ako, since I’m also here in show business, ang mas pagkakaintindi ko, she’s struggling like everyone else.”
Para kay Claudine, dahil umano sa dinami dami ng mga kasabayan din ni Julia na mga magagaling kaya hanggang ngayon ay naghihintay lang din ito ng tamang proyekto na maibibigay sa kanya.
“Pagkakaintindi ko kasi she’s not just given the right projects. Even if wala pang tsismis kay Julia nun …we were all just waiting for the good project to come to her. Kasi ang problema ang dami nila, may Jadine, Kathniel, Lizquen, Joshua, ngayon Jurald… I’m just waiting,” ani pa ulit nito.
Kaya naman, kahit pa man may sama ng loob kay Julia, para kay Claudine ay pamangkin niya pa rin ito. Naniniwala rin ang aktres na magaling ang pamangkin dahil nasa dugo ito ng mga Barretto pati na rin sa ama ni Julia na si Dennis Padilla.
“Medyo nega nasusulat sa pamangkin ko pero at the end of the day, pamangkin ko pa rin yon, e! Di ako naniniwala na babagsak,” pagdidiin pa nga ng aktres.
Dito ay naibahagi rin ni Claudine na minsan na ring nangyari sa kanya ang pinagdadaanan ngayon ni Julia kaya naman, ani nito, naging “nega” lang daw ang pamangkin pero hindi ibig sabihin nito ay pabagsak na siya.
“Kasi sa akin nangyari na ‘yan, ilang beses na, lalo na nung rebellious days ko. Si Julia hindi bumagsak, naging nega lang siya…
“We just need a good project for her because dugong Barretto ‘yan, magaling at may dugo din ni Dennis Padilla yan, magaling din!” dagdag ani pa nga ni Claudine.
Samantala, sa parehong panayam din ay mayroong naibahagi si Claudine tungkol naman sa muli pagkakatrabaho nila ng dati nitong nakarelasyon noon na si Mark Anthony Fernandez. Ang “Deception” ay ang reunion movie ng dalawa.
Matapos ang halos dalawang dekada mula nang magkahiwalay ang mga ito, ayon kay Claudine ay mukhang mayroon umano itong kailangan na ihingi ng tawad sa aktor matapos niya raw itong i-ghost noon.
“Pero na-ghosting ko yata si Mark nun. One day I woke up and realized mas importante careers namin. It was really young love, mapusok!
“We never spoke ill of each other. Sa lahat ng nakarelasyon ko, siya ang pinakamabait. Hindi mo siya makikita na magagalit. He just takes all the jabs! Very gentleman... siguro ako 'yung dapat mag-ask ng forgiveness from him,” pagbabahagi pa ni Claudine.
Bagama’t nanatili silang magkaibigan, ayon kay Claudine ay hindi umano sila nagkaroon ng closure noon. Kahit hindi rin nagkikita ay nag-uusap naman daw ang mga ito.





