Malinaw na nakunan ng video ang ginawang krimen ni Police Master Sergeant Hensie A. Zinampan sa isang 52 anyos na lola sa Greater Fairview, Quezon City nito lamang Lunes ng gabi. Dito, makikita ang lasing na si Zinampan na nilapitan, sinabunutan, at harap-harapang binaril sa leeg ang biktimang si Lilibeth Valdez.

Bago ito, nagbanta na raw noon ang pulis matapos na makaaway nito noong May 1 ang anak na lalaki ng biktima. Ayon naman sa salaysay ng anak nitong babae, bumibili lamang umano sa tindahan noon ang kanyang nanay nang bigla itong lapitan ng pulis at walang awang binaril.

Ngunit, kahit na kitang-kita sa video ang ginawa nitong krimen, mariing itinanggi ni Zinampan ang pamamaril sa biktima. Nasa kustodiya na ngayon ng kapulisan si Zinampan at nakatakdang sampahan ng kaso upang tuluyan na rin itong matanggal sa serbisyo.

Samantala, sa gitna ng galit at pambabatikos ng publiko kay Zinampan para sa karumal-dumal na pagpatay nito kay Valdez, naungkat din ng maraming mga netizen ang dating Facebook post ni Zinampan tungkol sa umano’y pagiging isang mabuti nitong pulis.

Dito, inihayag ni Zinampan kung gaano ito ka-proud sa kanyang propesyon at idiniin pa nito na isa siyang mabuting pulis sa loob ng 14 na taon nitong pagseserbisyo. Ang naturang post ni Zinampan ay ibinahagi nito matapos ang krimen na ginawa noon ng kapwa nito pulis na Jonel Nuezca kung saan, kagaya niya ay nakunan din ng video ang ginawang pamamaril.

“I am PMSg Hensie A. Zinampan, 14 years in serving and protecting. Taas noo kong pinapanindigan ang integridad ng aking uniporme, buong puso ang dedikasyon sa trabaho. I AM PROUD TO BE A GOOD COP. 

“While there are unfortunate incidents like this, the vast majority of your PNP perform their sworn duties every day with honor and integrity to protect and serve the people. The sin of Nuezca is not the sin of the entire PNP, as we have seen during the past disasters and this pandemic, we place our lives on the line as first responders and frontliners,” ang ani pa noon ni Zinampan sa kanyang Facebook post.

Kaya naman, mas lumakas pa ang galit ng publiko para kay Zinampan na walang-awang kumitil ng isang inosenteng buhay. Umusbong ulit ang galit ng mga ito para sa mga kapulisan na umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Kagaya ng pamilya ng biktima, hustisya ngayon ang sigaw ng mga ito para kay Valdez. Nais ng mga ito na agad pagbayarin si Zinampan sa ginawa nitong krimen.

Kaugnay rin nito, hindi naman napigilan ni Philippine National Police chief Police General Guillermo Eleazar ang pagkadismaya at galit para sa naturang alagad ng batas na imbes na protektahan ang buhay ng tao ay kumitil sa buhay ng isang walang kalaban labang biktima.

“Tumingin ka sakin! Anong iniisip mo ‘nung ginawa mo ‘yun? Sumagot ka! May pamilya ka, may asawa ka, may anak ka… Anong tingin mo sa ibang tao, ha? Anong tingin mo para gawin ‘yun,” ang nagtitimpi pang ani ni PNP Chief Eleazar kay Zinampan nang personal niya itong kinompronta.

Source:  KAMI