Hindi halos napigilan ng lalaking ito ang kanyang pagkadismaya sa kanyang misis dahil sa matinding paggastos umano nito sa online shopping na umabot lang naman sa mahigit 300,000 yuan o nasa mahigit dalawang milyong peso.
Sa Luzhuo, China, tatalon na sana sa rooftop ng 33 palapag na gusali roon ang 29 taong gulang na lalaking si Wang dahil sa sobra-sobra at hindi makatarungang paggastos ng kanyang misis na si Zhan, 29 taong gulang sa malawakang online shopping sale noong Nobyembre.
Bumili umano ito ng mga mamahaling mga gamit tulad ng mga designer bag, pabango, damit at iba pa kaya umabot nang ganoon kalaki ang kanyang babayaran.
Ayon sa lalaki, dahil umano sa paggastos na ito ng kanyang misis ay nabaon siya sa malaking utang kaya naisipan na lamang nito na bawiin ang sariling buhay. Nagdulot ito ng matinding stress at problema kay Wang kaya wala na itong ibang solusyong naisip.
Buti na lamang ay nalaman ng pulisya ang planong pagpakamatay ni Wang at nagtungo ito sa naturang gusali bandang alas 10 ng gabi noong ika-10 ng Nobyembre. Pinigilan ng mga ito sa Wang na tumalon at pinakalma ito bago pinilit na bumaba mula sa gusali.
Umabot din sa halos kalahating oras ang ginawang pagpapakalma at negosasyon ng mga pulis kay Wang bago ito tuluyang bumaba at nakumbinse na huwag ituloy ang pagpapakamatay.
Ayon kay Wang, mahilig daw talaga umano sa online shopping ang kanyang misis at grabe ito kung gumastos. Sa katunayan, hindi umano ito ang unang beses na gumastos nang ganoon kalaki si Zhang dahil noong nakaraang 11.11 sale din ay gumastos lang naman ito ng mahigit din sa 200,000 yuan o halos isa’t kalahating milyong peso.
Sa kabila ng liit o hindi kalakihan nitong kinikita buwan-buwan ay pinilit pa rin umano ni Wang na bayaran ang naturang gastos ng kanyang asawa. Matapos nito ay nangako na rin daw ito dati sa kanya na kokontrolin na ang kanyang paggastos sa online shopping.
Ngunit, hindi nito tinupad ang pangako at muling gumastos ng mas malaki pa ngayong malawakang sale sa online shopping. Mula raw nang manganak ang kanyang misis noon ay mas lumala pa umano ang pagkahilig nito sa online shopping. Dati naman umano itong nagtatrabaho ngunit, tumigil ito matapos magsilang upang mapangalagaan ang kanilang anak.
Dahil nga hindi na alam ni Wang kung paano pa babayaran ang ginastos ng kanyang asawa na mahigit dalawang milyong piso nitong Nobyembre kaya naisipan na lamang nito na magpakamatay.
Samantala9, matapos itong makumbinsi ng mga pulis na huwag ituloy ang balak, muli na ring nangako rito ang kanyang misis at sinabing hindi na nito uulitin pa ang gumastos ng ganoon at susubukan na hindi na ito mag-oonline shopping pa.
Nagkaayos ang mga ito at ayon kay Wang ay gagawa na lamang umano ito ng paraan upang mabayaran ang ginastos kamakailan ng kanyang misis.
Dahil dito kaya nagbigay ng babala ang marami na huwag masyadong mahumaling sa online shopping. Kapag napabayaan kasi ay mahirap na itong kontrolin na maaaring magresulta pa sa napakalaking gastusin.