Ang pagiging vlogger na nga ang pinakabagong pinagkakaabalahan ng komedyante at dating ‘Eat Bulaga’ host na si Jimmy Santos matapos ang mahigit isang taon ng pandemya. Sa loob lamang ng ilang buwan, umani na agad ng mahigit sa 200,000 subscribers ang 69 anyos na komedyante.
Sa pinakahuling vlog nga na kanyang ibinahagi kamakailan lang, marami ang natuwa at naaliw nang dalhin ni Jimmy ang kanyang mga manonood sa kanyang pag-iikot sa Pampang Market sa Pampanga.
Dito, magiliw na nakihalubilo si Jimmy sa mga tao sa palengke lalo na iyong mga nagtatrabaho roon gaya ng mga tindero at tindera. Maliban sa pagbibigay kasiyahan sa kanyang mga manonood ay nagbigay rin dito si Jimmy nang ilang mga kaalaman tungkol sa palengke.
Sa kanya namang pag-iikot dito, nakasalubong pa nga ni Jimmy ang isang kaibigan na dati nitong nakasama sa paglalaro ng basketball. Sandaling masayang nag-usap ang mga ito at nagbahagi pa ng ilan sa kanilang mga karanasan noong araw.
Hindi rin nagdalawang isip ang komedyante na makipag kulitan sa mga naroroon sa palengke. Hindi mapigilan ng mga ito na mapangiti dahil sa kakulitan ng dati TV host na sa kabila ng pagiging sikat ay simple lamang ang pamumuhay at magiliw na nakikisaya sa kanila.
Sa naturang vlog ni Jimmy, mapapanood din ito sa kanya umanong bagong sideline sa palengke kung saan, tumulong ito sa isa sa mga pwesto roon sa pagbebenta ng karne. Personal pang naging tagahiwa ng binebentang karne roon ang komedyante at nagbahagi pa ng tungkol sa mga ibenebenta nito.
Sa ngayon, matapos lamang ang ilang araw ay umabot na sa mahigit 400,000 ang naaaning views ng vlog na ito ni Jimmy. Patuloy pa itong tumataas at patuloy rin na umaani ng mga positibong reaksyon at komento mula sa mga netizen.
Karamihan at halos lahat ng mga vlogs na ito ni Jimmy ay tungkol sa Pampanga. Ayon sa komedyante, nais niya raw kasi na magbahagi sa publiko ng tungkol sa kanyang mga nalalaman sa lugar. Tampok sa mga ito ang simpleng buhay sa probinsya at ilan pang mga bagay tungkol pa rin sa Pampanga.
“Shine-share ko lang yung kaunting kaalaman ko at kung mga naikukwento sa kin yung tungkol dito sa Pampanga,” ani pa nito.
Sa isa mga panayam dito kamakailan lang, naibahagi rin ni Jimmy ang tungkol sa kanyang pagv-vlog. Ayon dito, ang pagiging vlogger umano ay hindi lamang bastabasta gaya ng pagpapatawa dahil kailangan pa rin umano na mayroon silang maibahaging aral sa kanilang mga manonood.
“Ang pagba-vlog, hindi basta ganun lang eh. Kailangan melon ding sense at kailangang kapulutan ng aral. Ang kaalaman, walang katapusan,” saad pa nga ulit nito.
Si Jimmy ay isa sa mga pinakakilalang komedyante sa kanyang henerasyon lalo na noong dekada ‘80 kung saan, pinakakilala ito sa pelikulang ‘Bondying’. Nagtuloy-tuloy pa ang karera ni Jimmy hanggang sa tuluyan itong maging bahagi ng longest-running noontime variety show na ‘Eat Bulaga’ o ng Dabarkads noong dekada ‘90.
Ngunit, bago pa man maging isang kilalang komedyante, aktor, at host, si Jimmy ay naging isang manlalaro rin ng basketball na hindi naman maipagkakaila dahil sa kanyang tangkad.